Magulo, Ngunit Tama Lang: Isang Paglalakbay sa Traslación

Matagal ko nang gustong maranasan at puntahan ang fiesta ng Quiapo, masubukan mismo ang proseso ng Traslación. Tuwing January 9, palagi itong nasa TV at balita—mga eksena ng siksikan, sigawan, debosyon. Sakto rin na ito ang araw ng aking kapanganakan. Habang pinapanood ko ang dami ng taong pumupunta taon-taon, may kakaibang tuwa akong nararamdaman. Alam kong espesyal ang araw na iyon—para sa kanila, at sa akin.

Chaotic but feeling profound. Photo Credits Chris Andres Chaotic but feeling profound. Photo Credits Chris Andres

Sa pagkakataong ito, matapos ang apat na dekada, nakumbinse ko na rin ang sarili ko na pumunta. Gearing myself with my camera—Canon M50 Mark II, lente na 24–104mm—tamang-tama lang para sa akin. Balikan lang ang plano: aalis ng Baguio sa gabi, uuwi rin kinahapunan.

Habang papunta sa terminal, may nakita akong ribbon sa gitna ng daan. Pinulot ko—velvet na tela, kulay ng Poong Nazareno. Bigla akong natigilan. May kakaibang kilabot na dumaan sa balat ko, halo ng gulat at paggalang. Parang signal. Parang basbas. Parang sinasabing hindi ako nag-iisa sa paglalakbay na ito. Kaunting panalangin, kaunting tiwala—handa na ako.

Sa terminal, nag-book ako ng upuan sa 10:30 PM na byahe papuntang Cubao. Tahimik ang biyahe, pero gising ang isip ko.

Pagdating sa Cubao Terminal, naglakad ako papuntang Aurora Boulevard at nag-abang ng jeep. May nakita akong magkasintahan at isang mama na naka-maroon. Alam ko agad—pa-Quiapo rin sila. Tinanong ko yung mama kung alam niya magkano ang pamasahe; di rin pala niya alam. Gaya ko, malayo rin ang pinanggalingan—mula pa siyang Bicol.

May dumating na jeep. Umupo ako sa tabi ng driver. “Magkano?” “Bente singko.” Sabay bayad. Medyo mahaba ang biyahe, pero parang isang iglap lang—nasa Mendiola na ako. Bumaba ako at naglakad patungong Ayala Bridge.

Sarado na ang mga kalsada. Nagtitipon na ang mga deboto. May nagbebenta ng bimpo, head sash na maroon at dilaw, at mga t-shirt. Bumili ako ng t-shirt—200 pesos—maroon na may dilaw na print ng Poong Nazareno. Doon na rin ako nagpalit. May 7-Eleven sa tabi; bumili ako ng dalawang sandwich—isa kakainin ko agad, isa baon—at mineral water. Buhay na buhay ang paligid. Ramdam ang paghihintay.

Pagdating ko sa crossing ng Palanca, may mga container na nakapwesto sa gitna ng kalsada, paniguradong pang-control ng crowd. Inisip kong doon na lang pumwesto, pero na-realize ko: una, kulang ang haba ng lente ko; pangalawa, nasa maling anggulo ako—hindi ko makikita ang mukha ng Poong Nazareno.

Naglakad ako papunta sa bridge kung saan may grupo ng mga pulis na nagpapahinga. Sakto ang pader—iyon talaga ang una kong target (pinag-aralan ko na sa Google Maps). Maya-maya, may dalawang photographer na lumapit at nakipagkwentuhan. Doon ko unang naramdaman na welcome ako. Nang lumipat sila sa mismong bridge at pumwesto sa mga girders, inalok nila akong sumama. Pwede pa raw sa kabila.

Medyo mas madulas doon—may tilt na halos 45 degrees—pero may nakausling round bar na puwede kong tapakan. Maganda ang pwesto. Tama ang taas, tama ang anggulo, at higit sa lahat, ligtas ako kung sakaling kumapal ang crowd. Alas-kuwatro pa lang ng umaga. Madilim pa.

Mahaba-habang hintayan ito. Alam kong malamang bandang alas-nuebe o alas-diyes pa darating ang Andas. Nagpasya akong hindi bibitawan ang pwesto. Sa isang punto, naka-idlip pa nga ako—ginamit kong unan ang backpack ko. Kapag may nakikita akong interesting, pitik. Tahimik na pitik.

Habang nagse-set up ako, paunti-unti ring may sumisigaw mula sa kalsada: “Kuya, pa-picture!” Kapag kaya, kinukunan ko sila. Pero kadalasan, tumatanggi rin ako—limitado lang ang battery ng camera ko. May isang grupo pang nagbiro, “Ayaw mo ah, mamaya tambangan ka namin d’yan.” Tawanan lang. Walang pangamba. Ganun lang ang ikot: observe, pitik.

Sa mga litrato, mukhang kaguluhan talaga ang Traslación—tulakan, hilahan, siksikan. Pero kapag andun ka mismo, may pakiramdam na mahirap ipaliwanag. Parang kailangan mong maranasan para maintindihan. Sa gitna ng ingay, may kakaibang katahimikan. Parang ASMR ng buhay.

Hindi ko ikakaila—may takot. May kaba. Maraming pwedeng mangyari. Stampede. Matulak. Mahimatay. Manakawan. Pero may pakiramdam din na ginagabayan ka.

Habang dahan-dahang kumapal ang tao, unti-unti ko nang nakita ang bubong ng Andas. Andyan na siya. Mabagal ang usad. Bigla akong tinamaan. Yung pakiramdam na mangilid ang luha. Kahit ngayon, habang sinusulat ko ito, bumabalik pa rin.

May umakyat sa likod ko sa girder. Maya-maya, may dalawang binata pang pumatong sa akin—balak yatang tumalon papunta sa Andas. Sinabihan ko lang sila ng mahinahon, “Dahan-dahan lang ha, baka masaktan yung binti ko.”

Sa gitna ng chaos, dumami ang kuha ko—observe, pitik. Pero sa loob-loob ko, may katahimikan. Maingay sa paligid, pero sa sarili ko, sapat lang. Walang panic. Walang takot.

Hindi ako gumalaw sa pwesto kong iyon mula madaling araw. At dumaan ang Andas sa harap ko—sobrang lapit. Isa o dalawang talampakan lang ang pagitan. Napadasal ako. Hindi dahil kailangan, kundi dahil kusa.

Photo Credits Chris Andres I feel blessed that the Andas just past in front of me. Photo Credits Chris Andres

Mukhang magulo ang Traslación. Maraming tao, maraming kwento, pero iisa ang pakay. Ramdam mo ang panata—ang takot, ang tapang, ang paghahanda. Parang gusto lang ng lahat makalapit, makapagdasal, makapagpasalamat.

Sa akin, naging metaphor ito ng buhay. Sa gitna ng hirap, may katahimikan. May tiwala. Basta alam mo ang panata mo, at pinaninindigan mo ang pwesto mo.

At minsan, sapat na iyon.